Like and Follow:


Friday, February 4, 2011

ANG KWENTONG KALUKUHAN: Kabanata 5: Bakit kailangan ng Pera? Saan ito nagmula?

      “Manang pabili nga po ng suka… at tsaka limang pisong harina… at dalawang pansit canton yung calamansi flavor … pisong vetsin … isang chicharon … isang shampoo kahit anong variant … isang sabon na mura … sampung pisong pandesal … kalahating kilong asukal … isang hiwa ng keso … isang hiwa ng … umm … dairy cream … isang milo nasa pack … tatlong paracetamol … isang vicks yung maliit … tapos pakidagdagan ng tatlo pang pandesal at tig isang hiwa ng keso at dairy cream ulit … isang order ng sinigang pahingi po ng sabaw ha! Isang kilo ng hot dog … isang kaha ng sigarilyo yung menthol … limang diskette … tapos … paki print yung nasa USB drive ko limang kopya bawat isa … isang pinipig … isang ice drop … at… "pabulong" isang condom… chocomint flavor … isang kahon ng chocnut … isang toneladang isdang tamban … isang pang-isis … tatlong kilo ng bigas … tapos paload po ng 1000 pesos at kukunin ko na po yung Mercedes at yung condo unit sudio type… magkano po lahat? Pwede po ba ang credit card?”

      Ganyan ang nabibili ng pera, halos lahat pwede mo nang mabili. Mula sa gamit sa bahay, pagkain, gamit sa paaralan o trabaho, mga serbisyo, lupa, bahay, kotse. Minsan kaya nitong bilhin ang buhay. Ngunit paano ba nagkaroon ng pera at bakit ito ang hinahangad ng halos lahat ng tao sa mundo? Bakit maraming namamatay at nabubuhay sa pera at paano nito napapaikot ang mundo? Malawak na usapin ang pera, dahil isa ito sa pangunahing pangangailangan ng isang tao, malaki ang kompetisyon nito sa buong mundo. Dahil halos lahat nabibili na nito. Dumarami na ang mga mayayaman, pero dumarami rin ang mga mahihirap. Hindi lahat ay nabibiyayaan na makahawak ng salapi, hindi rin lahat ay hindi pwedeng mabuhay ng walang salapi. Naging parte na ito ng ating buhay at hindi na matatangal. Kaya maganda na malaman natin ang tungkol dito. Pera!

      Kung aalukin ka ng malaking pera tatangapin mo ba? Pero may isang kundisyon… at malalaman mo ito kung matangap mo na ang pera, papayag ka ba? Kahit anong tanong basta may perang kasama, nahihirapan tayong magdesisyon. Tuloy o tigil? Laban o Bawi, Pera o Bayong, Kwarta o Kahon, Deal or No Deal? Game ka na ba? Naluluha, nalilito, natotorete, naiihi, at iba’t iba pang emosyon ang nagyayari sa atin basta ang may kinalaman sa pera. Parang nakasalalay ang buhay mo sa iyong desisyon, pagtama ka, jackpot! Parang nanganak ka na, o di kaya nabigyan ka ng pardon sa gitna ng iyong lethal injection session. Kung bokya ka, parang namatayan ka ng sampung kuko sa paa at isinama mo pa ang iyong goldfish. Parang bigla kang pinaglamayan habang buhay ka. Tapos, sasabihin mo sa sarili mo na "Ang tanga tanga mo! Ikaw ang pinakatangan tao sa mundo sana mawala ka na sa mundo!” Kakaibang saya at lungkot ang dulot sa iyo ng pera kaya lahat maaring mangyari, at sa bayang mahirap tulad ng Pilipinas hindi malayo na gagawin ng tao ang lahat makakuha lang ng pera para sa kanyang pangangailangan.

      Kung natapos mo na ang kabanata ng mga pangangailangan (kabanta 4, kung hindi balikan at basahin ng malakas sa harap ng mga kaklase), makikita mo ang lahat ng iyon ay may kaakibat na perang halaga, mula sa mga pangangailangan hanang sa mga kaek-ekan (accessories) ng tao may karampatang halaga na dapat ay bayaran ng pera para magamit ang gamit o serbisyong ninanais. Balikan nga natin ang pinagmulan ng salapi na ginagamit natin ngayon at bakit malaki na ang pinagkaiba nito sa ngayon.

Ang Kasaysayan ng Salapi

      Ang paggamit ng salapi ay nagmula sa mga sinaunang panahon, ngunit malayo ito sa ginagamit natin ngayon. Ang pagpapalitan ng produkto o bater trade ang siyang nagsimula ng industriya ng pagpapalit ng produkto kapalit ng ibang produkto. Mula sa mga unang sibilisasyon ng mga Ehipto, Babylonia, at Carriedo, patok na patok ang bater bilang kanilang panustos sa kanilang pang-araw araw na pamumuhay, ang mga magsasaka ay ipinagpapalit ang kanilang ani para sa mga kagamitan, ang mga magngangalakal ay nagpapalit ng kanilang mga kagamitan para sa ginto, alahas, pagkain at maging asawa (mayroon wife buying cross noong panahon na iyon, makikita ito sa money museum sa central bank).

      Sa ilang bahagi ng Pilipinas, nakikipagkalakan ang mga datu sa mga instik, hapon at mga Arabo at pinagpapalit ang kanilang mga isda, bigas, kopra, bakal, ginto at perlas para sa mga seda, pamaypay, sandata, at digicam. Ang bilihin pa noon ay walang stock market, walang price monitoring board, walang DTI, walang VAT, at walang mga taripa at barangay clearance. Bukas para sa lahat ang kalakalan. Ang isang middle man (taong nasa gitna na ginagamit bilang interpreter) ang siyang mamamagitan sa dalawang nakikipagkalakalan upang maisiguro ang tamang dami ng prudukto ayon sa tamang halaga nito. Sila rin ay may magaling na PR lalo na kung makikipagusap sa mga dayuhang mga nangangalakal.

      Nauso ang paggamit ng mga bakal bilang kapalit ng mga bagay at serbisyo nang nagsimula na ang mga imperyo tulad ng mga Romano, Mongolya, at iba pa. Ang mga bakal na mahahalaga noon ay ang pilak at ginto. At dahil sa malaking sakop nila nais nila na mapalaganap rin ang kanilang pinuno sa pamamagitan ng paglalagay ng mukha ng kanilang pinuno at iba pang disenyo sa pilak o gintong salapi.

      Sa Tsina, nauso naman ang salaping papel. Nauso na rin ang mga perang sinusunog para sa mga namayapang kamag-anak para magamit sa kanilang paglalakbay sa kabilang buhay, nagmahal na rin ang mga bilihin dun. Pero hindi pa uso ang paglalagay ng mukha sa pera tulad sa barya. Wala pa daw kasing scanner para magmukhang tao ang nakadrowing doon. Nilalagyan nila ito ng tatak para ibig sabihin na ito ay totoong pera. At nang kumalat na sa mga bansang Kanluranin, naitatag ang mas matatag na systema ng pagbabangko. At simula noon, nauso na ang mga tseke at mga salaping papel na mayroon nang special features. At sa pagdating ng ika-20 siglo nagkaroon ng maraming mukha ng pera, nauso na rin ang mukha ng mga bayani, kaganapan, lugar, hayop, prutas, makasaysayang bagay, at dagang nagtatago sa ibabaw ng simbahan (sa lumang sampung pisong papel). Nagkaroon na rin ng iba pang ginagamit bilang pera. Nariyan na ang credit card, checks, chips, tokens, tickets, e-cash, at play money. Umunlad, sumadsad at nagkadigmaan ang mga bansa sa buong mundo nang dahil sa paglaki ng gamit ng pera and they lived happily ever after. At yan ang alamat ng pera baw!

      Sa ngayon lahat ng suot mo, kinain mo, ginamit mo, tinatapakan mo, tinulugan mo, sinuntok mo, at dinilaan mo ay may katapat na halaga ng pera. Mula sa barter ng sinaunang tao hanggang sa mga credit cards ngayon, ang buhay ng tao ay may halaga ng pera na kailangan na matugunan. At dahil dito ang pagkakaroon ng trabaho ay kinakailangan para magamit sa kanilang pangangailangan. Kaya kailangan na magkaroon din ng kaunting raket para pandagdag sa iyong badyet.

       Kaya narito ang ilan sa mga pwedeng pasukang trabaho o maliit na negosyo na maaring gawin ninyo para kumita kung wala pang trabaho:

    1. Magtinda ng mga lumang gamit na hindi na masusuot in short make your own ukay-ukay store kahit sa labas ng bahay niyo. Pwedeng ibenta ang mga damit, sapataos, bag, accessories, mga magazines, sabon, shampoo, Chocnut, at palay. O para mas malaki, magtayo na lang ng sari-sari store.

    2. Gumawa ng mga bagay na kinaaliwan mong gawin tulad ng mga accessories, mga pastries, paintings, sculptures, pottery, cards, chocolates, kwento (tulad nito) o ice candy na maaring ipagbili sa iba o maaring ilako sa pinakamalapit na palengke.

    3. Mamuhunan sa stock exhange, sa pyramid scams, illegal recruiters para mapalago ang pera. Mabilis ang pera, pero mabilis din ang pagkawala nito.

    4. Sumali sa mga contest sa TV o radio na mayroong premyong pera, malay mo makuha mo ang jackpot. Gawin ito sa mga libreng oras at hindi sa pagitan ng isang mahalagang meeting at anniversary ng syota mo. Hangat maari ay careerin na ang pagsagot sa mga tanong sa gameshows dahil malapit ka sa swerte ng maingay at masigasig na tao. Para pangdagdag swerte ay magpaputok ng sinturon ni Judas habang nasisiyahan at kapag malapit nang maabot ang jackpot. Pantangal lang ng malas.

    5. Iwasan na walang gawin kapag walang pera, lalo ka lang tatamarin na magtrabaho at lalong babaho ang kilikili dahil walang perang pambili kahit tawas. Mas mainam na gumawa ng kapaki-pakinabang na gawaiin o mag-aral ng bagong skill na magagamit sa paglalaro ng DOTA.

    6. Mag buy and sell. As in bumili ng bagay na maaring ibenta at ibenta ito ng may tubo, pero hindi siya sari-sari store. Ang pwedeng i-buy and sell ay kotse, lupa, makinarya, antiques, droga, smuggled goods, at prepaid cards.

    7. Sa mga negosyong nabangit, kailangan na sundin ang batas at mag-aplay ng business permit, barangay clearance, income tax return, BFAD permit, Sanitary permit, Fire safety permit, DOH accreditation, Plumbing clearance, resibo ng inupahang pwesto, resibo sa suhol sa mga permit, driver’s license, passport, SSS ID, birth certificate, baptismal certificate, marriage contract, annulment papers, at certificate of death mo. Pag nakumpleto mo ang mga iyan, pwede ka nang magnegosyo ng legal sa bansa.

      Ngayon na alam mo na kung paano kumita ng pera kahit sa maliit na paraan ay matutugunan mo na ang iyong pang-araw araw na pangangailangan. Ang pagkakaroon ng pandagdag na pinagkukunan ng kita ay may malaking tulong na sa iyong sarili, pamilya, pamahalaan, at sa iyong syota.

      Sabi nga “The Love for Money is the Root of All Evil”. Tama nga na ang paghahangad sa pera ay nagdudulot ng masama, pero ang pera mismo hindi masama. Walang muwang ang pera kung saan mo siya gagamitin. Kung i-donate mo sa ampunan para sa mga ulila o para ibili ng sandatang pampatay sa iyong kapitbahay. Ang pagkakaroon ng pera ay nagbibigay ng kapangyarihan sa iyo na gawin mo ang maraming bagay. At kung minsan ang tao kapag natikman ang kapangyarihan ay naaadik na bumili pa ay gagawin ang mga bagay na labag sa batas at sa kapwa para makamit ito. Minsan dahil dito halos ilagay na ng ilan ang piso sa kanilang mga altar para sambahin at pagdasal sa araw-araw. Kulang na lang ay ipagdasal nila “Amang Bayaning Ninoy, ulanin mo kami ng iyong grasya ,ang diwa ng EDSA ay sumasainyo, bukod kang pinagpala sa piso at isang daan, at pinagpala naman ang halga mo sa merkado, Santo Benigno ama ng limang daan, panalangin mo akong magkasala, at handa akong mamatay alang alang sa iyo, siyanawa pera” o “Sa ngalan ni Sta. Josefa Llanes Escoda, Sn. Vicente Lim at , Sn. Jose Abad Santos, siyanawa pera” Kung gayon kawawa naman si Rizal dahil piso lang ang halaga niya. Mas malala siguro noon na malaki pa ang halagang piso noon at may aguila, bulaklak, niyog at kalabaw ang nakalagay pa. Ipinapanalangin ko na hindi ako matulad sa kanila, siyanawa pera.

      Malaki ang naitulong pera sa atin, pero bakit mayroon pa rin utang? Dahil sa kakulangan ng pera para sa ginagamit ng pamahalaan, o ng pamilya, napipilitang silang umutang. Kahit ang bawat Pilipino ay may utang sa world bank, Asian Development Bank at, International Monetary Fund na kailangan nating bayran kahit hindi pa natin alam kung saan napunta ang inutang natin sa kanila. Lahat tayo damay sa utang. Kahit ang mauunlad na bansa umuutang. Kahit na maliit lang ito maraming problema na ang lumalabas.

      Umutang tayo sa kung sinu-sino kahit hindi natin kilala, maging sa mga ibang lahi (especially ang ever reliable friendly neighborhood bumbay), At kapag nasa bayaran na ng utang ay nagtatago na ang ilan at minsan nangangako na bayaran na lang sa susunod. At pagdating ng susunod na iyon hihirit ulit ng susunod sa susunod At pagdating ng susunod ng susunod na iyon hihirit ulit ng susunod sa susunod sa susunod. At pagdating ng susunod sa susunod sa susunod na iyon hihirit ulit ng susunod sa susunod sa susunod sa susunod. At dahil sa kahihintay ng mga susunod ay pinatay ka na sa pinagutangan mo. At sa huli hindi rin nabayaran ang utang mo.

      Hangat maari ay ayaw ko na magkautang, kahit utang na loob kasi parang sinisingil ka palagi kahit wala ang naniningil. Hindi ka mapalagay, hindi mo alam kung saan mo kukunin ang pambayad sa inutang mo. Kaya mas mainam na lang na huwag umutang. Pero kung hindi maiwasan na umutang at nagigipit sa pagbayaran na, narito ang ilang tips na magagamit mo.
Bawas Utang Tips:

• Ilista ang lahat ng utang sa lahat ng pinagkautangan, maging patay, buhay, nakulong, nagbagong buhay, nagibang bansa na alam mo. Simulan mo sa iyong kabataan (mas mainam na ito kaysa habulin ka ng dati mong kalaro sa utang mong limang piso) hanggang sa kasalukuyan. Ikwenta ang lahat. Magugulat ka kung magkano ang halaga na nautang mo sa buong buhay mo. Tandaan na lagyan ng date at lugar ng pag-utang para malinaw ito sa iyo at sa pinagkakautangan mo.

• Magplano kung ano ang mga utang na mas mahalga at kailangan na bayaran. Huwag unahin na bayaran ang hindi naman naniningil sa iyo kaysa sa utang mo para kuryente at tubig. Sige ka, babaho ka sa pagbayad mo sa iba pa.

• Magplano rin kung paano ito mababayaran. Maaring sa paghahanap ng karagdagangang kita (tulad sa nakaraang listahan) o pangungutang sa iba para mabayaran ang utang (not recommended). Maging magiliw din sa pinaguutangan, huwag silang simangutan para maging maganda ang relasyon mo. Pwede rin silang gawin na kasintahan mo at baka kalimutan na ang utang mo.

• Mag-ipon! Huwag ilagay sa babasaging baboy ang pera dahil madaling matukso na basagin ito para gastusin. Kung maari lihim ito sa ibang tao at sa pinakatagong lugar tulad ng kawayan na haligi, arinola ng iyong namayapang lolo at lola, malaki at makapal na bote na may butas para sa pera, o di kaya ang iyong alagang aso, pusa, baboy, manok, at baka na papatayin at uulamin kapag puno ng barya ang kanilang mga sikmura kasabay ng pagbayad ng utang mo. May handa ka pa.

• Iwasan ang mga gastos na hindi kinakailangan. Makakatulong ito para madagdagan ang badyet sa pambayad ng utang. Maari mo nang ialis ang mga gawain tulad ng bar hopping, window shopping, pagpunta sa Hong Kong Disneyland, pagbawas sa oras sa golf, paghohotel, at pagbawas ng pagkain, tubig (sa creek na lang), kuryente (makijumper sa kapitbahay), at pampaligo (punas na lang) para makatipid.

      < siyanawa Ninoy, Santo po Salamat ka… magpasalamat ninang o ninong iyong sa mo aguinaldo ng ka nakatangap kapag Kaya buhay. ating magpakipot ang ito hindi pero pamumuhay bahagi ay pera mahalaga, Ang tao. walang kaunti, mayroon, kahit buhay Masaya nila. kahalagan dahil matandaan at nila dulot na turo kabutihan tayo matuto sana pera, natatak bagay bayani mga Tulad gagamitin. mabuti kung mainam Mas nito. imahe masama maging para tao nagtutulak nito paghahangad Hindi ito. rin mawawala masisira matagal tinatago iba. mapakinabangan pa umikot ipinamamahagi Ito sambahin. iyo pera. paghawak alagaan mahalaga umunlad mong gusto talo. lahat huli, pinagkukunan. limitadong umuubos lalong gawain nito, pagsasaayos tamang problema Lumalaki kapos. dati pamahalaan serbisyo badyet sapat magkakaroon kinalaunan At matugunan. bansa ibang natin utang pati malayo di susundin >